Silangang Prusya






Ang Silangang Prusya (Aleman: Ostpreußen, Mababang Prusyan: Ostpreißen) ay ang dating pinakahilagang-silangang lalawigan ng estado ng Prusya, Alemanya, na umiral hanggang 1945.
Ito ang orihinal na lugar ng paninirahan ng Baltikong tribong tinatawag na Prußen. Naging pangunahing bahagi ito ng Teutonikong Orden noong ika-13 dantaon. Noong ika-16 dantaon naman, ang malaking bahagi ng Silangang Prusya ay naging bahagi ng Dukado ng Prusya bilang fiefdom ng Polonya-Lituanya.
Sa taong 1618 ay namana ng mga prinsipeng-tagahalal ng pamilyang Hohenzollern ng Brandenburg ang Dukado. Samakatuwid, napasaiisang pamilya ang pinagsamang teritoryo ng Brandenburg at Prusya, na siyang tinatawag na Brandenburg-Prusya.
Pagsapit ng 1824, pinagsama ang Kanluran at Silangang Prusya sa iisang lalawigan na tinawag na Prusya, bago muli itong hinati sa dalawa noong 1878.
Matapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, alinsunod sa Kasunduan sa Versailles, ang halos ng buong kabuuan ng Kanlurang Prusya, maliban sa silangang bahagi nito (ang nasa silangan ng mga ilog Vistula at Nogat), ay ibinigay sa bagong-tatag na Republika ng Polonya noong 1920. Ang Silangang Prusya naman, kung saan tanging ang Teritoryo ng Memel lamang ang nahiwalay, ay nanatili bilang bahagi ng Malayang Estado ng Prusya (Freistaates Preußen) sa loob ng Alemanya.
Noong 1945, matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, natanggap ng Unyong Sobyet ang hilagang bahagi ng Silangang Prusya, habang ang katimugang bahagi ay inilagay sa ilalim ng soberanya ng Polonya. Kalakip nito ang pagpapatalsik ng mga mamamayang Aleman mula sa magkabilang panig, at sa pagpapalit sa kanila ng mga bagong residente mula sa Polonya at Unyong Sobyet. Ito ang siyang takda ng pagtigil ng Silangang Prusya isang makasaysayang rehiyon. Ang Kasunduan ng Dalawang Dagdag Apat noong Setyembre 1990 ang legal na nagpormal sa sitwasyong de facto hinggil sa pagmamay-ari sa Silangang Prusya sa ilalim ng pandaigdigang batas.